Ewan

Di sinasadyang
ika’y aking
masaktan

Naiwan sa init
at ngayo’y
nanluluwag
sa kakulangan

Ngunit ano
nga ba ang
tunay na pagkakamali

Ika’y aking
lubos na minahal

sa bawat sandaling kapiling
mahuli sa isang iglap
bawat alaala’y nasasagap

kupas ng liwanag
at kislap
sa iyong mga mata’y
aking nababatid

Ito na nga ba
ang wakas
ng lahat

Sana ay hindi
dahil
ika’y aking kailangan

Bawat sandali
bawat pitik
bawat haplos
Isang ngiti
isang pagsubok

Sana
ito’y matawid

Para sa aking nasirang kamera

(to be translated)

 

 

Dilaw

Sa tuwing ako’y may  nahahagilap na dilaw,
isipan ko’y natatarantang matanaw ka,
na sana ikaw nga ang aking nahagilap ng nababaliw na pagtingin.

Andiyan ka nga ba? Hindi, wala.
Inilinlang lamang ako ng aking hamak na pagmamasid.

O sawing pananabik, wala na itong patutunguhan pa
kung patuloy pa ang pagtingin na ito.

Dilaw dito, dilaw doon
Kaunti pa mukha ko’y maninilaw na rin.
Halina’t magpakita ka na sa akin
dahil sa kaibuturan ng aking puso,
nais kitang makapiling;
yakapin moakosa iyong matipunong bisig
at ikulob mo rito ang inaasam na pagmamahal.

Dilaw, dilaw,
ipipikit ko ang aking mga mata at pagdilat ko
ay masisilayan muli ang walang wakas na dilaw.

Sa bilang ng tatlo, dapat ay nariyan ka na.
Isa, dalawa, tatlo
andiyan ka na ba?

Pamamaalam

Sa tinagal ng panahon
ika’y aking hinintay
ngayon lamang aking nabatid
ang tunay na lungkot
ukol sa takbo ng lahat.

At habang nakikiramay
ang buwan sa aking pagdadalamhati
aking ninanais na sana’y
huwag na dumating pa ang umaga.

O kay tagal kitang hinintay
at saan ka nga ba naparoroon?

Sa haplos ng hangin na lamang
nadarama ang huling hagkan mo
noong tayo’y magkapiling pa.

Sa tanikala ng lumbay
wala nang pag-asa natitira pa
na ika’y muling babalik.

Kumakaripas ang mga luha at
habang ako’y napupulupot
sa pangungulilang ito
ang buong katauhan ko’y
lalamunin ng kawalan.

Masdan mo, masdan mo
ang ginawa mo sa akin
bakat sa aking mukha
ang sakit ng paghihintay.

Titigan mo ang
aking mga matang ngawit
sa kakaabang sa iyong
di makatotohanang pagdating.
Maging saksi ka
sa ginawa mo sa akin.

At heto na nga
nilunod mo ako
sa lumbay, kawalan at pag-iisa.

Bakit? Bakit?
Bakit mo nagawa ito?
Bakit sa ganitong pagkakataon pa?
Ika’y aking matiyagang hinitay
at sana’y di mo hinayaan ang pagkakataon.

Ngayon
ako ay lilisan na at
hahanapin ang tunay na kaligayahan
na di mo naibigay sa akin.

Paalam.